DAF-ARMM
Official Website of Department of Agriculture & Fisheries

SCHOOL-ON-THE-AIR (SOA) MASS GRADUATION

SOA Mass Grad on Organic Agriculture, tagumpay

Di alintana ang patuloy na pagbuhos ng ulan, lakas ng hanging malimit na dumuyan sa mga kagamitan at ang higpit ng traffic dahilan sa malawakang hand-wash day na idinaos sa pangunahing lansangan ng siyudad, tagumpay pa ding naisaganap ang mass graduation para sa paaralang pamhimpapawid ukol sa Organikong Pagsasaka o School-on-the-Air on Organic Agriculture nitong ika-17 ng Oktubre taong kasalukuyan. Ang programa ay ginanap sa DAF Covered Court, ORG Complex, dito sa lungsod at pinangunahan ng DAF Regional Agriculture and Fisheries Information Division, DA-Maguindanao at ng DA-ARMMIARC. Ito ay dinaluhan ng mahigit 200 katao kabilang ang sector ng magsasaka, mga opisyal at kawani ng tanggapan mula sa rehiyon at probinsya ng Maguindanao.

Ang programa ay naging mahalagang bahagi ng pagsasagawa ng ikalawang ARMM Regional Organic Agriculture Congress na nagsimula noong Lunes at natapos nitong Miyerkules, October 18. Tinawag itong “Organic Agriculture: A SMART Culture” bilang tema nito.

Sa kanyang pambungad na mensahe, pinaabot ni Lead Anchor at RAFID Chief Dr. Kadiguia Rakman Abdullah ang kanyang pagkagalak sa pagdalo at pakikiisa ng lahat ng naroroon at sumaksi sa mahalagang okasyon na ito – ang pagtatapos ng may 268 na farmer-students na nagmula sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao na kinabibilangan ng Pagalungan, Paglat, Datu Montawal, Datu Paglas, Gen. Salipada K. Pendatu at Datu Odin Sinsuat.

Naudlot man ng bahagya, ang importante andito tayo ngayon at tuloy sa pagsasagawa ng ating graduation ceremony, sambit pa ni Dr. Abdullah. Binigyang diin muli ni Dr. Abdullah ang importansya ng pagsulong ng organikong pagsasaka sa rehiyon bilang tugon sa isyu ng climate change at maging ng pangkalusugang usapin.

Samantala, si Provincial Agricultural Officer Dr. Daud K. Lagasi ay nagpaalala sa mga narooron sa mahalagang papel ng karunungan sa buhay ng tao. Kanyang hinimok ang mga nagsipagtapos na gamitin ang kanilang natutunan at di lang basta basta ito ipagsawalang bahala. May katuturan anya ang kaalaman kung ito ay nagagamit sa makabuluhang pamamaraan.

Matapos ang mensahe, masayang ipinresenta ni Dr. Abdullah bilang lead anchor kay PAO Lagasi ang mahigit dalawang daang graduates na malugod naman nitong tinanggap bilang kumpirmasyon sa mga pagiging full-pledged organic farmers ng mga ito bungsod ng kanilang pagkakapasa sa kurso at sila ay agad tumanggap ng sertipiko ng pagtatapos.

Ginawaran din ng parangal, plaques of recognition, prizes at cash ang namumukod tanging nagtapos na napabilang sa isinagawang Quiz Bee bago ang pagsisimula ng mass graduation na nilahukan ng 12 graduates (dalawa bawat munisipyo). Kasama sa top 3 ang dalawang farmer-graduates ng GSKP na sina Alladin Ahmad at Guiamel Mohamad bilang 1st at 3rd placer habang si Kulod Latusa ng Paglat ang pumangalawa.

Nagsilbing quiz masters sina Ms Salembai A. Abdullat at Rohania Ibrahim at hurado naman sina Dr. Lagasi, si Research Outreach Station Superintendent Dr. Siya Belongan at Mr. Leolito D. Siase ng BSWM.

Ginawaran din ng parangal ang mga field facilitators na kinabibilangan ng local farmer technicians na nasa supervision ng kani-kanilang municipal agricultural officers at DA-ARMMIARC researchers sa pangunguna ni Manager Tong Abas bilang pagkilala sa kanilang kagitingan at suporta sa programa.

Maliban dito,nagbigay din ng mensahe ang kinatawan ng BSWM na si Mr. Siase. Dito ipinalinawanag nya ang program thrust ng kanilang tanggapan at ang importansya ng pagsulong organikong pagsasaka at ang pangangalaga ng yamang lupa at kalikasan.

Binigyang diin nya na ang pagsasakatuparan ng Organic Agriculture ay hindi madali ngunit sa sipag at tiyaga, abot-kamay ang tagumpay.

Samantala, si GAD Focal Person Ms. Ramla Macatabang ay nagbigay ng panghuling pananalita at dito kanyang pinasalamatan ang lahat ng dumalo at sumuporta para sa tagumpay ng okasyon nataon man ito sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.


Related articles